Thursday, February 23, 2017

MGA PAGNINILAY SA PAGMAMANEHO (Reflections in Driving)... When Shifting Lane is the Best Option

MGA PAGNINILAY SA PAGMAMANEHO (Reflections in Driving)
by Eugene Martin

 (1) When Shifting Lane is the Best Option

Sinamahan ko ang anak ko sa sakayan papuntang LRT station. Siya muna ang nagmaneho ng sasakyan, pagkababa niya, ako na ang nagmaneho pabalik sa bahay.  Habang papunta sa LRT station at tinatahak namin ang kalsada marami kaming nakita na jeepneys na papalit-palit.. palipat-lipat ng linya...  Mayroon yung maayos, pero marami ang muntik nang sumabit sa ibang sasakyan.

Pagninilay.... ito ang madalas na nangyayari kapag wala kang kausap kundi ang sarili mo... :-)
Para ito sa kaibigan ko...... nais ko kasing maibahagi ang maraming bagay na naglalaro sa isip ko ngayon..... lam mo na... ramdam kita, kaibigan... 

Sa pagmamaneho, may pagkakataon na kailangan mong manatili sa linya hanggang sa dumating ang panahon na kailangan mong lumipat lalo na kung ikaw ay liliko o hihinto. Pero sa pagpapalit o paglipat, kailangan ang isang maayos na paghahanda… magbigay ng signal sa mga kasunod upang makagawa rin sila ng marapat at akmang desisyon at aksyon.

Sa buhay, lalo na sa trabaho, may magandang naidudulot ang pananatili pero kung:
(1) hindi na nakatutulong ang trabaho mo upang ikaw ay lumago bilang tao;
(2) hindi nito natutugunan ang mga pangunahin at minsan ay simpleng pangangailangan ng manggagawa (dahil sa hindi maayos na sistema);
(3) may duda ang pamunuan sa kakayahan mong magawa ang isa o maraming bagay (na madalas na pagkakataon, kasalanan ng namumuno kasi bigay nang bigay ng dagdag na trabaho na hindi mo matanggihan kasi tanggihan mo o hindi, pareho ka pa ring talo; pag tinanggap, dagdag pasan.. pag tinanggihan, markado ka na);
(4) nahahadlangan ang paggawa mo ng mabuti sa kapwa (kasi konting kibot kailangan mong ipagpaalam para magkapag fill-out ka ng form o itala para sa accomplishment report at baka mapagalitan ka kasi wala ang pagkukusa sa job description mo) 
(5) hindi na magaan at masaya ang bawat araw ng paggawa;
Kapag ganito, hala, isang mas mabuting opsyon ang paglipat o pagpapalit.

Maaring manatili pero ano tawag sa iyo, martir? Lubhang nakakapagod at nakabababa ng moral kung hindi ka nakararamdam ng suporta sa mga taong inaasahan mong magbibigay sa iyo nito. At kung ganoon ang sitwasyon, hindi kailanman magiging maayos, maganda at de-kalidad ang mga awput. Kung mayroon namang mas magandang oportunidad, hindi masama o pangit ang paglipat. Gawin ito ng naaayon sa proseso o sistema ng organisasyon (kung meron nga silang sistema). Gawin ito nang may respeto (sa mga kasama at sa mga namumuno) at pag-unawa sa mga taong maiiwan mo (na may posibilidad na madagdagan ang trabahong iiwan mo, habang naghahanap ng papalit sa iyo). Kailangan mayroon ka nito: (1) katapangan sa paggawa ng desisyon at pagsuong sa panibagong mundo, (2) kaliwanagan sa kung ano ba talaga ang iyong misyon sa buhay, (3) tiwala sa sarili, (4) kakayahan sa paggawa at (5) kahandaan sa mga pagsubok lalo na sa pinansyal na aspekto.


at ang pinakamahalaga..  ang tiwala sa magagawa ng Dios.... 

February 24, 2017